Akala Ko Lang Pala
-
paul of Others
Akala ko hindi ko kaya nung una.
Mahirap. Nakamamatay.
Naging negatibo ako simula pa lang.
At bumilis ang tibok ng puso ko nang dumating ang pagtutuos na aking kinatatakutan.
Lumipas ang mga araw ng pagsusunog ng kilay.
Nagdaan ang mga gabing walang tigil sa pagpindot sa calcu dahilan ng pagkangalay ng kamay.
Naging dakila sa paglamon ng mga makakapal na libro.
Pinatunuyang alamat sa paglugaw ng mga pinaphotocopyng handout na bawat papel ay piso.
Ipinakita ang kabayanihan sa pilit na hindi pagpikit matapos lamang ang paksang inaaral nang paulit-ulit upang maisaulo kung bakit sa kaliwa ay debit at sa kanan naman ay credit.
Animo'y napakarelihiyoso sa pagdulog sa lahat ng kilalang mga santo sa langit.
Sa bilis ng panahon, di ko namalayan, kinaya kong magtapos sa kursong sinukuan na ng ilan.
Napakapalad kong nilalang sapagkat nagbunga ang buwis-buhay kong paggapang.
Sa mga sumubok na napakarami ay isa ako sa mga napiling manatili upang maipagpatuloy ang legasiyang iniwan ni Fra Luca Pacioli.
At nanatili akong buo ang loob para sa sumunod pang mga kabanata.
Hindi raw sapat na limang taon lang, apat na buwan pa ang inilaan sa paghahanda para sa pinakamalaking giyera ng pinasok kong karera.
Doble ang pagsusunog. Triple ang pagpindot.
Walang sawa ang paglamon.
Walang tigil ang paglulugaw.
Dilat ang mga mata.
Mas matatag na pananampalataya.
Sa pagsapit ng mga araw ng paghuhukom ang sabi ko ako'y handa na.
Dalawang linggo ng pagsusulit.
Para naman sa resulta ay sampung araw ulit.
Nakababagot.
Halu-halo ang emosyon.
Hindi mapakali sa isang tabi na tila ba'y masisiraan na ng bait.
Hindi ba't kaysarap makita at marinig na ang tatlong letrang C, P at A na minsan mong pinangarap maging ay sa pangalan mo na nakadikit?
Mahika!
Nadagdagan nga ang bunga ng mahigpit kong pagkapit. At napagtanto kong mali ang akala ko nung una.
Akala ko lang pala.
Tama ngang hindi ako bumitaw at sumuko na lang basta.
Kinaya, oo.
Ngayon ay patuloy na kinakaya ang mga hamon ng propesyong ito.
At higit sa lahat, lakas-loob na kakayanin ang darating pang mga pagbabago.
Hope you could share it to inspire. Thanks!
-Ce, October 2016 CPA
Posted