The Perfect Timing
-
paul of Others
“A man who wins, is the man who thinks he can.” – Vince Lombardi.
Di naging madali ang daan na aking tinahak na kung tawagin ay “Road to Become a CPA”. Nais ko sanang ibahagi ang aking karanasan kung paano ako napunta sa kung saan ako ngayon at sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan ko, naway magsilbing ispirasyon ito sa lahat, lalo na sa mga naghahangad na makamit ang titulong “CPA” na tila ba sobrang mailap.
Sa totoo lang, hindi talaga “Accountancy” ang unang kurso ko. Kumuha ako ng “BS in Information Technology” sa isang unibersidad dito sa Davao. Noong una ay kaya ko pa naman makipag-sabayan sa mga lessons ng prof. Ngunit kinalaunan ay naranasan ko ang makakuha ng mga marka na di kaaya-aya. Dahil doon, tinamad na akong mag-aral. Kasabay pa nito sinabihan ako ng Mama ko na huminto na muna ako sa pag-aaral ng isang taon kasi hindi na daw kakayanin ang gastusin kung dalawa na kami ng ate ko sabay mag-aaral sa parehong unibersidad. At ako naman sinabi ko sa sarili ko, “nice one, total bagsak na rin lang ako, Okay lang yun Ma!” pero sa isip ko nun, mapag-iiwanan na ako nito ng classmates ko at alam ko sa sarili ko na ayaw kong huminto sa pag-aaral. Pero naisip ko kasi, na ayaw kong mahirapan sina Mama at Papa sa’kin kaya pumayag rin naman ako kinalaunan.
Lumipas ang isang taon, masaya na ulit ako kasi sa wakas makakapag-aral na rin ako, pero paranag sinusubukan ako nang pagkakataon. Nasa ika-apat na taon na yung ate ko at kinakailangan nila lumuwas ng Maynila para sa kanilang, kumbaga “Field Trip” (hindi ko kasi alam anong tawag talaga doon) na kung saan kailangan ni ate yung pera, yun na nga sinabihan ako ulit ni Mama na kung pwede patapusin ko muna daw si ate sa kolehiyo total huling taon na nya ‘to. Ako naman, “Okay lang Ma, Sige walang problema” pero sa isip ko nun, yung tuwa na sanay babalik kana sa pag-aaral tila ba maaantala pa. Dinamdam ko talaga yun at kahit di ko sabihin nararamdaman yun ni Mama. Alam ko rin na mas nahihirapan si Mama makita akong ganoon, na para bang naghihinayang siya at sinisisi niya ang sarili kung bakit hindi niya ako napag-aral. Dumaan ang mga araw na tila ba tulala lang ako sa bahay lang, paulit-ulit lang ginagawa ko, kumbaga “routinary”.
Isang araw may nag tumawag sa amin na may libreng pa-aral yung isang TESDA accredited na Institution, ako naman sa kagustohang mag-aral ulit, dali-dali akong kumuha ng requirements at sa awa ng Diyos napili bilang iskolar nila doon. Kumuha ako ng Computer Hardware Servicing NCII at makalipas ang higit tatlong buwan, pumasa rin naman ako, tuwang-tuwa ako nang araw yun pero sa isip at damdamin ko na parang may kulang, gusto kong makatapos ng “Degree Course” yung tipong may idadag-dag ka sa pangalan mo, at kinalaunan pinagbigyan ang hiling ko na makapag-aral na ulit.
Lumipat ako sa isang kolehiyo, dito pa rin sa Davao. Balak ko sanang ipagpatuloy ang kursong BSIT kaso nga lang nakita ko kung gaano kahirap ang kursong yun, eh first year pa lang mahirap na, paano pa pag kinalaunan na. May nagmungkahi sa akin na kunin ko daw BSA. Madali lang daw ang BSA basta magaling ka sa Math. At doon nagsimula ang isang MALAKING kasinungalingan na MADALI ang BSA.
Hindi po talaga madali ang BSA, napagtanto ko na lahat naman ng kurso ay mahirap, nasa tao lang yan kung paano niya ito padadaliin. Pinagsikapan kong matapos ang BSA, lalo na alam ko na ito ang pangarap ng Mama ko na maging CPA ngunit hindi siya nag “board” dahil mas priority na ni mama kaming mga anak niya. Lumipas ang madugo at nakakapuyat na apat na taon at ayon naka graduate din.
Nag-enroll ako sa isang review center para sa May 2016 CPA board Exams, nagsipag talaga ako noon sa pag-aaral kahit medyo tinatamaan ng katamaran. Makalipas ang higit anim na buwan, dumating na ang exam. Hindi ko mapaliwanag kung anong kaba ang nararamdaman ko. Pagkatapos ng huling araw ng exam, puno ng pagdududa ang isip ko , “babagsak yata ako nito”. Lumabas ang results sa madaling araw, wala yung pangalan ko sa pumasa, di ako umiyak noon. Kina-umagahan tinanong ako ni mama kung may results na ba, di ko napigilan ang sarili ko na umiyak sa kanya “Ma, sorry ma hindi ako pumasa”. Grabe ang pag-iyak ko nun, yung feeling na para binagsakan ng langit, ang bigat sa kalooban. “Nak, okay lang yan may dahilan ang Panginoon bakit na “delay” ang pagiging CPA mo”. Tumahan ako at sinabi ko sa sarili ko na pag-iigihan ko pa sa pag-aaral. Magiging CPA din ako.
Nag-enroll ulit ako sa ibang review center para sa October 2016 CPA Board Exams, dinoble ko ang pag-aaral ko, tinandaan ko yung mga naging mali ko sa nakaraang board exam at halos magpuyat ako sa pag-iintindi ng concepts. Makaraan ang apat na buwan pakiramdam ko eto na talaga ang panahon ko , magiging CPA na ako. Exam week na. Kampante ako nun sa mga sagot ko at sa araw na dumating ang results, (madaling araw parati eh) di ako makapaniwala di pa rin ako pumasa. Halos di ko maipaliwanag at naitanong sa sarili na “saan ba ako nag kamali? Saan ba ako nag kulang?”. Gulong-gulo ang isip ko noon. Kina-umagahan noon iyak nang iyak ako at nagkulong sa kwarto ko. Kahit di ko pa sabihin kay Mama ang results, alam ko na alam na nila na bumagsak ulit ako. Alam mo yung feeling na isa kang “FAILURE”. Napakalungkot ko nung araw na yun. Pumasok si mama sa kwarto ko, “nak, siguro meron na sayo ang talino at kakayahang sumagot pero huwag mong kakalimutan na mas makapangyarihan parin ang pag dadasal sa Panginoon”. Napa-isip ako siguro yun nga ang kulang ko kung bakit di ako pumasa. “kung magdadasal ka, dapat CONSISTENT” yung ang mga sinabi ni mama na di ko malilimutan.
Napag-desisyunan ko na hindi na ako mag ta-take nag board kailan man. Pero nung araw din yun, sinabihan ako ni ate “Ngayon ka pa ba susuko na kung saan malapit ka na sa pangarap mo”. Nahihiya ako sa kanila na tanggapin ang alok niya kasi ayaw ko na rin kasi maging pabigat sa bahay namin. Alam ko kasi na malaking gagastusin na naman kasi mag re-refresher na ako. Pero ang ate ko nga ay hindi bumitaw sa sariling pangarap ko at hanggang kaya pa niya ay paglalaanan niya daw ng pera. Laking pasalamat ko sa ate ko. Kahit siya naniniwalang kaya ko pang ipagpatuloy ang nasimulan ko. Makalipas ang ilang araw, sinamahan pa talaga ako ng ate ko sa review center para mag-enroll para siguradong papasok ako. Pinaghandaan ko nang maaigi ang MAY 2017 CPA board exams at itinatak ko sa isip ko yung mga sinabi ng Mama ko at ng Ate ko. Magiging CPA Ako. Sabi pa ni ate “LAW OF ATTRACTION” palagi mong sabihin sa sarili mo kung anong gusto mong makamit. Palagi ako dumadaan doon sa kalapit na simbahan sa review center namin at nagtitirik ng kandila na kulay orange araw-araw pagkatapos ng review. Dumaan ang araw, linggo at buwan. Dumating na nga ang BOARD EXAM. Di ko maipaliwanag ang kaba kahit pang Tatlong Beses ko na para bang “first time” pa rin. Yung tipong habang sumasagot ka nanginginig ang kamay mo at bawat letrang iniitiman ay sinasabi ko sa sarili ko “Lord, let your wisdom be mine”. Matapos ang board exam lumabas ako kasabay ng mga barkada ko at sabi ko pa sa kanila “Welcome Summer” eh yun pa ang time na naka-gimik ako. Bawat araw na lumipas ay bumibisita sa website ng PRC, panay pindot ng F5, halos mabura na yung F5 sa keyboard ko nun eh.
MAY 29, 2017 sa alas-9 ng gabi lumabas ang results. Nanginig ang buong katawan ko. Di ako mapakali at sa sobrang kabang nararamdaman pinindot ko “CTRL+F” sabay type sa pangalan ko. Tinakpan ko ang monitor ng laptop ko. Nang may nakita akong 1/1, ang tibok ng puso ko ay para bang sasabog. Inalis ko ang kamay ko sa monitor at nakita ko ang pangalan ko sa pumasa. Di ako makapaniwala baka namamalik-mata lang ako. Ni refresh ko yung page at inulit ko ang ginawa ko. Sinigurado ko muna na results yun ng 2017 May CPA board exam ang tinitignan ko . Meron talaga sa listahan yung pangalan ko. Takbo agad ako kay Mama ko at sabay sabi “ MA! CPA NA AKO! NATUPAD KO NA YUNG PANGARAP NATIN!” sabay yakap sa kanya. Di ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko nang gabing yun, nangi-nginig pa ang katawan ko tila ba isang panaginip lamang. Grabe bumalik lahat yung mga pinagdaanan ko yung sa point na gi-give up ka na, pero meron paring taong patuloy na naniniwala sa iyong kakayahan. Lahat ng failures sa past board exams tila nabura ang lahat ng sakit. Sabi pa nang kaibigan ko “God’s delay is not God’s Denial but a Promise that when your Time Comes all will be PERFECT”.
Kaya doon sa mga nangangarap na maging CPA, wag kayong titigil sa pag abot ng inyong mga pangarap. Hindi madali pero hindi rin naman imposible at palaging magdasal mula simula hanggang katapusan. Your Faith can move mountains.
“A man who wins, is the man who thinks he can.”
ROC
Davao
PS: Pasensiya po sa Tagalog ko, di ako magaling mag tagalog. J
Posted