Itinadhanang maging CPA
-
paul of Others
Para sa mga frustrated dahil nakailang take na, napre- pressure dahil karamihan sa ka batch mo e CPA na, at mga graduating na magbo-board na.
TIP# 1: HINDI KAILANGAN NG IQ LEVEL NA 160. SIPAG AT MATURITY IS THE KEY!
Isa ako sa magpapatunay nyan. Noong undergrad, 3x kong inulit ang MAS, 2x ung AP, at yung lecheng FINMAN 3x din. Ewan ko ba. Kapag binabasa ko ung MAS, gets ko naman pero every after exam lagi akong sabog. Pero di ko sinisi mga prof ko kung hindi man naituro. Pakiramdam ko kasi, ganon din ang mangyayari sa board. Maraming lalabas na pwedeng magpatunay na wala akong alam at di ko pwedeng sisihin ang BOA! Kaya kung 3 hours akong nag-aaral nung bumagsak ako, dinoble ko nung 2nd take. Nung 3rd take e sinubukan kong mag-aral ng 2am-5am tsaka mag-alay na din ng itlog sa wishing well.
TIP#2: HUWAG MANIWALA SA KASABIHANG "KUNG HINDI PARA SAYO, HINDI TALAGA PARA SAYO"
Narinig ko kasi yan noon. Sinabihan yung kakilala ko nung kamag-anak niya. 3rd take nya na kasi. Baka daw hindi para sa kanya ung CPA kaya hindi siya pumapasa. Sa isip isip ko, isang MALAKING KALOKOHAN. Oo, may mga bagay na hindi para sayo. Example: Yung asawa ng kapitbahay mo o yung bf ng bestpren mo. Pero pagiging CPA? Para sayo yan. 4, 5 o 6 years mong sinuyo. Igi-give up mo na lang ba dahil sa dinidikta ng iba? Pwedeng hindi effective ang study habits mo kaya di mo ma-absorb. Wag kalimutan ang sabi ni Einstein "Insanity is doing the same thing over and over again and expecting a different result"
TIP#3: HUWAG MADALING MANIWALA SA CHISMIS
Kasisimula ko palang magreview noon, dami ng chismis tungkol sa kung kaninong review center manggagaling yung exam. Nakakabaliw na ewan. Pero wag padi-distract sa mga ganitong bagay kahit pa malapit na ang board. Kaya ang style ko noon, basa, basa, practise. Basa basa practise. Nakakasuka dahil sinimulan ko ulit sa accounting 1 and 2. Masyado kasing pang short term ang memory ko pero pakiramdam ko e mas may chance na maging CPA ako kung di ko makakalimutan ang basic concepts. Lahat ng textbook basa ulit. Pagkatapos, practise ulit. Nakuntento na lang ako sa practise problems ng review center ko. Pinilit kong wag ng magpa-photocopy pa ng kung ano anong review materials na panggagalingan DAW ng board exam. Siguro magandang maniwala sa chismis kung marami kang time dahil tapos mo na lahat at wala ka na lang magawa. Pero kung ung sarili mo ngang reviewer e di mo matapos e wag ka ng mag-attempt. Dahil sure ako mase-stress ka lang pag di mo natapos.
TIP#4: ATTITUDE IS A MUST
Mahilig ka bang mag party noong undergrad o mag cramming? Laging ipinagpapabukas ang mga bagay na dapat e ginagawa mo ngayon? Panahon na para baguhin yan. Dahil lahat ng free time mo e kakailanganin mo sa madugong pagrereview. Nalaman kong may mga panahon talagang mas interesado pa ako sa butiki kesa sa accounting. Para akong baliw noon na nakatitig sa kisame. Half day ata akong ganon dahil ayaw tumanggap ng utak ko ng kahit anong bagay tungkol sa accounting. At least di ka madedelay sa timetable mo ng mga aaralin (kung meron man). Lesson: ireserve ang party time for baliw moments.
TIP#5: MAG-PRAY (pero huwag magpray na dumali ang exam)
Isa eto sa tinatawanan ko noon. Parang ganito lang yan. Kapag contest, pinagpre-pray ng kabilang team na manalo sila. E ganon din ung hinihiling nung kabilang team e! Tingin ko e gusto ng BOA na makapag-produce ng mga accountant na competent at alam ang ginagawa nila. Kaya mas magandang humingi ng mga bagay tulad ng sipag, tiyaga at good health para hindi tuluyang mabaliw. Kung lumabas man ung mismong nireview mo sa board exam, wag kalimutang mag thank you. Pero hindi mangyayaring 100 percent ng nireview mo e un din ang lumabas. Lagi mong tatandaang hindi mo kayang mag-isa. Kaya maganda pa ding habang nag-eexam e may Kasama ka.
Nung nagtake ako, marami sa mga kabatch ko CPA na. Honestly di ako nag alala. Pointless lang kung magpapa-pressure pa ako na nauna sila kesa sakin.
Nung undergrad, pakiramdam ko e nilalandi ko lang yung accounting. Tipong susuyuin ko lang sya kapag naghahabol na ako ng grade. Pero lahat yon binago ko nung nagrereview nako. Lagi ko ng syang pinagtuunan ng pansin at binibigyan ng panahon. Kaya ang saya nung nakuha ko ang matamis nyang oo. Hahaha
Hindi ako nakatikim ng appreciation sa undergrad. Kilala lang ako dahil madalas akong mag-ulit ng subject. Naalala ko nga tinanong kami ng dean namin noon after ng first day ng exam "Kamusta yung tax?" at dahil ako yung malapit sa kanya ako yung sumagot "Okay lang naman po ung tax". Pero sa totoo lang tingin ko e di sya naniniwala sakin. Pero ang sarap sa pakiramdam nung lumabas ung result at andun yung pangalan ko. Tapos lumingon ako sa journey ko. Wala naman talagang secret para pumasa. Nasa sayo lang kung ready ka na.
K.C CPAmay 2017
Posted